Posted by: reasondeceives on: December 6, 2007
nagmamaangmaangan ako
tuwing ako’y magiimpake
nakabalot na ang mga damit,
sapatos, libro, at litrato
ngunit hindi parin makapasiya
kung alin ang iiwan at dadalhin
pagsara ng maleta
tiyak ko nang hindi magkakasiya
at sisilip ang isang pakete ng alaala
subalit magkukunwari paring
masaya, habang nanghihinayang
at may luha sa mga mata
ganito rin ang buhay
parang pagiimpake
dapat bang pikpikin ang laman?
ano ang tama lamang
upang hindi mabigatan?
pigilan pa ang damdaming umaalpas!
huwag munang isara
ang maleta ng mga pangarap