Posted by: reasondeceives on: November 29, 2007
I.
ang himig ng
kanyang pangalan
ay higit sa baybay
ng mga letra
ito ay gayumang
waring nagtatanan
ng isang dalaga
ito ay may haging
ng sinag ng araw
pinakikinang ang
talulot ng pulang
rosas
parang sutla ang
salat ng bawat pantig
tulad ng bahagyang
dampi ng kamay
sa nagtatampong
paslit
II.
ang himig ng
kanyang pangalan
ay mapait na turing
sa nakaraan
dinadala ako nito
sa isang libingang
walang tanda
tila kuwento ng librong
walang pamagat
o banyagang kailan
ma’y di makikilala
parang lana ang
salat ng bawat pantig
at minsa’y nakakapaso
tuwing maririnig